2: Pasko (Christmas Day)
- Gusto mo bang magsalita ng totoong Filipino mula sa unang aralin?
- Mag-sign up para sa iyong libreng panghabambuhay na account sa FilipinoPod101.com ... ... ...
Hello sa inyong lahat, ako si Erica.
Alam niyo ba kung ano ang pinakamakulay at pinakamasayang panahon sa Pilipinas?
Siyempre, ang Pasko!
Sinabi kong 'panahon' sapagkat ang Pasko sa Pilipinas ay ipinagdiriwang hindi lamang sa loob ng isang araw, kundi sa loob ng 3-4 na buwan!
Mula Setyembre hanggang Enero ay mararamdaman mo ang Pasko sa buong bansa, kaya naman kinikilala ang Pilipinas sa pagkakaroon ng pinakamahabang Pasko sa buong mundo!
Sa lesson na ito, malalaman natin kung paano ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Pasko ...
- Alam niyo ba kung ano ang tradisyon ng Secret Santa?
Ano pa ang ibang tawag ng mga Pilipino sa tradisyon na ito?
Sasabihin namin ang sagot sa katapusan ng video na ito.
Bago ang mismong araw ng Pasko, maraming paghahanda ang ginagawa ng mga Katolikong Pilipino.
Ang Misa de Gallo na kilala rin bilang Simbang Gabi ay isang nobena ng siyam na misang ginagawa mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre.
Ang misang ito ay ipinagdiriwang ng sunud-sunod sa loob ng siyam na araw, karaniwang ginaganap mula alas singko ng umaga, ngunit may mga misang ginaganap ng kasing aga ng alas tres ng umaga.
Maraming Pilipino ang nagsisipag at nagsisikap na makabuo ng Misa de Gallo o Simbang Gabi.
Pinaniniwalaang kung ikaw ay makakakumpleto ng Simbang Gabi, maari kang humiling at ito ay magkakatotoo.
Sa Bisperas ng Araw ng Pasko naman, karaniwang nagpupunta ang mga Pilipino sa simbahan para sa Misa de Aguinaldo.
Ito ay madalas na ginagawa sa ika-24 ng Disyembre sa pagitan ng alas diyes ng gabi at hatinggabi.
Paminsan-minsan mayroong mga dula na ipinapaloob sa misa na tungkol sa kapanganakan ng sanggol na Hesus.
Ang ibang mga Pilipino ay nagsisimba sa araw na mismo ng Pasko.
Gaya ng ibang mga pagdiriwang at kasiyahang mayroon sa Pilipinas, hindi mawawala ang party, pagkain, at ang itinuturing na pinaka-importante sa lahat, ang pamilya.
Sa pagsalubong sa Araw ng Pasko, nagtitipon ang bawat pamilya.
Sa Pilipinas, karaniwan ang malalaking pamilya, kaya naman talagang masigla at maingay ang pagdiriwang ng Pasko.
Sa pagtitipong ito, sila'y nagsasama para sa pagkain ng Noche Buena.
Karaniwang kasama sa handaang ito ang queso de bola, tsokolate, fruit salad, hamon, at paminsan pati lechon.
Ito rin ang panahon kung saan nagbibigayan at nagbubukas ng mga regalo ang mga tao ...
Kahit saan ka pa pumunta, may maririnig kang mga Christmas Carols.
Kapalit ng ilang barya, madalas makakarinig ng karoling mula sa mga batang may mga dalang tanso, kutsara't tinidor o kahit anong gamit sa bahay na maaring gumawa ng tunog.
At ngayon, ibibigay ko na ang sagot sa tanong kanina.
- Alam niyo ba kung ano ang tradisyon ng Secret Santa?
Ano pa ang ibang tawag ng mga Pilipino sa tradisyon na ito?
Sa Pilipinas tinatawag ang Secret Santa ng 'Monito/Monita', at siyempre hindi alam ng tatanggap ng regalo kung sino ang nakabunot sa kanya.
Tinatawag din ito sa iba pang mga pangalan, gaya ng 'Kris Kringle' at ginagawa sa mga Christmas party ng mga magkakaibigan, magkakaklase, o magkakatrabaho.
Kamusta ang lesson na ito?
May interesanteng bagay ba kayong natutunan?
May sarili rin ba kayong bersyon ng Secret Santa?
Ano ang tawag niyo dito?
Mag-iwan kayo ng kumento sa FilipinoPod101.com.
Hanggang sa susunod na lesson!