THE GROWLING TUMMY | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Ang Kumakalam na Tiyan
Kuwento ni Grace D. Chong
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero
(MUSIC)
"KRRRRG......KRRRRG......KRRRRG......
Kumakalam ang tiyan ni Teo.
Parang tunog ng ungol ni Arsab, ang bundat na aso ni Apong Cion.
Sinakmal nito ang baon ni Teo sa may tarangkahan sa likod ng eskuwelahan.
"Arsab," nagmamakaawa si Teo sa aso.
"Akin na ang baon ko. Katatapos lang ng test namin at tanghali na.
Gutom na gutom na ako."
Kagat-kagat ng aso ang hawakan ng pombrerang baunan ni Teo.
"GRRR.
Inilagpak ito sa lupa at hinalukay ang mga laman sa pamamagitan ng dalawang paa.
Nilamon ni Arsab ang inihaw na hito, kamatis at kanin!
"Bawal kunin ang hindi iyo!"
Iwinasiwas ni Teo ang kanyang hintuturo sa matakaw na aso.
Matapos simutin ang bawat butil ng kanin sa pombrera, tiningnan ni Arsab si Teo,
ikinawag ang buntot at itinaas ang isang paa.
"Aba, hindi ako makikipagkamay sa iyo!"naiinis na sinabi
ni Teo sa bundat na aso ni Apong Cion na kumakain ng prutas.
"Busog ka na nga sa prutas pero inagaw mo pa rin ang pagkain ko!
Akala ko pa naman magkaibigan tayo!"
Nagmamadaling naglakad si Teo pauwi.
Bagsak ang mga tainga ng napahiyang Arsab habang sinusundan si Teo.
Kumahol nang maiksi at matinis na parang nagsasabi ng "Sorry."
"Arsab, ang layo-layo pa ng bahay namin.
Wala doon si Tatay para magluto ng pagkain namin.
Abala pa siya sa bukid!
Masaya ka ba sa ginawa mo?"
Pinandilatan ni Teo ang nagkasalang aso.
"Ha-ha-ha-ha-ha!"
May malakas na tawanan na nanggaling mula sa itaas.
Sa dulo ng bakuran sa tuktok ng mga punong atis ay
nagpipista ang tatlong batang siga ng eskuwelahan—sina Abe, Badong at Carding.
"Ang sarap-sarap! Ang tatamis!
Teo, halika rito at kumain ka ng pinakamasarap na atis sa buong mundo!" anyaya nila.
Umangil si Arsab sa tatlong magnanakaw ng prutas, "GRRR. . . ."
"KRRG. . . ." sagot naman ng tiyan ni Teo.
Ang sarap nga sana. At gutom na gutom na ako! isip ni Teo.
"Teo, akyat na rito!
Hindi tayo maririnig ng masungit at maramot na matanda," pagyayaya nila.
"Ibig ninyong sabihin, hindi kayo nagpaalam kay Apong Cion?" nagulat si Teo.
"Hindi!" sagot ni Abe.
"Talagang hindi!" dagdag ni Badong.
"Naku, hindi naman namimigay ang huklubang iyan, e!" buga ni Carding.
"KRRG. . ." lalong kumalam ang tiyan ni Teo.
Parang gusto na rin niyang umakyat ng puno ng atis.
Ilang atis lang naman para maalis ang gutom ko.
Mali ba 'yon? Tanong niya sa sarili. At papunta na siya roon nang. . .
"GRRR. . . ." umangil si Arsab sa tatlong batang siga.
Pero ikinampay ng aso ang mga tainga niya kay Teo.
"Bawal kunin ang hindi sa inyo!" bulalas ni Teo.
Ito ang lagi niyang naririnig sa tatay niya.
"Ha-ha-ha-ha-ha!
Takot si Teo sa matandang maliit!" buska ng mga
salbahe, at tinapon nila ang mga balat ng atis sa lupa at ibinuga ang mga buto.
"ARF-ARF!" kahol ni Arsab.
Lumabas si Apong Cion na iika-ika.
May dala-dalang tungkod at iwinawasiwas ito.
"Hoy, mga magnanakaw! Baba kayo riyan!"
Naglundagan sa lupa ang tatlong bata mula sa mga puno ng atis.
Bawat isa ay lumolobo ang polo dahil sa mga ipinasok na mga atis sa loob nito.
Sumigaw si Apong Cion, "Arsab, habulin mo sila!"
Tumalima ang aso—"ARF! ARF! ARF! GRRR!"
"KRRRG. . ." Nag-iingay na naman ang tiyan ni Teo.
Baka naman sa dami ng mga atis sa puno, e puwede
niya akong bigyan ng ilan—para lamang tumahimik ang tiyan ko.
Hihingi ako nang maayos.
Si Apong Cion ay parang naglalakad na question mark.
Masungit at nag-iisa niya magmula nang mabiyuda.
Si Arsab lamang ang tanging kasama niya sa bahay—walang pamilya at kamag-anak.
Wala siyang mga kaibigan, o sinumang pinagkakatiwalaan.
Dahil malabo na ang paningin niya, lagi siyang
ninanakawan nina Abe,Badong at Carding ng mga prutas sa kanyang bakuran,
lalo na ng kanyang matatamis at makakatas na atis.
Dahan-dahang pumasok si Teo sa bakuran ni Apong Cion.
Akma namang kukunin ng sumpunging matanda ang walis-tingting.
Nagkalat ang mga tuyong dahon, maliliit na sanga at
mga balat ng prutas sa gitna ng mga matataas at sukal na damo.
Magandang tanghali po, Apong Cion," magalang na bati ni Teo.
"Hrmmp," singhal ng matanda.
"Ano namang maganda sa tanghali?"
"Ako po si Teo—"
"Teo! Hindi ba ngayon-ngayon lang ay nagnakaw ka ng mga atis ko?" tanong ni Apong Cion.
Ngunit dumating si Arsab na humihingil; malambing ang matinis niyang kahol kay Teo.
"Ah—hindi kung ganon," sagot ng matanda sa sariling tanong.
"Anong kailangan mo?"
"Ah. . . ." pasimula ni Teo, "Pwede ko pong walisin ang bakuran ninyo—"
"Wala akong ibabayad sa iyo!" pasigaw niyang sagot.
"Ilang atis lang na maliliit—"
"Isa! tawad ng matanda.
"Salamat po, Apong," sagot ni Teo at kinuha na ang walis-tingting.
Madali lang ito para kay Teo.
Sanay na sanay siya sa pagtulong sa tatay niya sa mga gawaing-bahay at trabaho sa bukid.
Ngunit habang siya'y nagwawalis, biglang kumalam na
naman ang tiyan niya—GRRRRRR!
Ooops, narinig ni Apong Cion,
"Ayokong makarinig ng maingay na tiyan!
Sige, kunin mo na ang atis mo! Angil ni Apong Cion.
"Maski na anong laki!" dagdag niya.
Pinitas ni Teo ang pinakamalaki sa tuktok ng puno.
Wow! Pinakamasarap ito sa mundo—totoo!
Tumahimik na ang tiyan ni Teo nang makita niya ang mga siniguelas, kasuy, santol at tsiko.
Naku, ang dami talagang prutas para kay Arsab dito! isip niya.
Hindi maalis-alis sa isipan ni Teo ang bakuran ni Apong Cion.
Nang gabing iyon habang magkatabi sila ng tatay niya sa indayon,
ibinalita niya rito, "Binigyan po ako ni Apong Cion ng pinakamalaking atis ngayong araw!"
"Talaga?! Bakit?!" nagtataka si Tatay Ador.
"Kasi. . . ." At ikinuwento ni Teo ang mga nangyari.
"Kailangang walisin ang bakuran na iyon araw-araw.
Pero matanda na si Apong Cion," malungkot ang boses ni Tatay Ador.
"Bakit wala pong tumutulong sa kanya?" usisa ni Teo.
"Sinubukan na ng mga kapitbahay niya, pero sinisinghalan at bunubulyawan niya sila.
Wala naman siyang ipambabayad kung uupa siya."
"Sininghalan at binulyawan din niya ako kanina," sagot ni Teo.
"Pero pinayagan din niya akong tulungan siya—"
"ARF! ARF! "
Si Arsab! Pilit itong lumusot sa pagitan ng mga halamang- bakod at tumakbo kay Teo.
Naupo ito at malungkot ang tingin habang itinataas ang kanang paa.
"Aba, gusto niyang makipagkamay at maging kaibigan mo, Teo!"
"O sige, Arsab, Pero ipangako mong hindi mo na
aagawin ang baon ko, ha?" pagdidiin ni Teo at nakipagkamay na rin siya sa aso.
"Magkaibigan na tayo magpakailanman!"
Iwinagwag ni Arsab ang kanyang mga tainga, at nagpagulong-gulong sa lupa.
Gusto niyang maglaro sila ni Teo nang ganito.
Kinabukasan, nanood na lang si Arsab habang kinakain
ni Teo ang baon niya sa ilalim ng punong akasya sa may likod ng eskuwelahan.
Nang tapos na si Teo, marahan siyang itinulak ng bumait na aso.
"O sige, sasama ako sa iyo," at sumunod siya sa bakuran ni Apong Cion.
May hawak na kumpay ang matanda at sinusubukang magtabas ng mga damo.
"Magandang tanghali po, Apong Cion," bati ni Teo.
"Ako na lang po ang magtatabas ng mga damo."
"Teo! Hrrrmp, magkano?"
"Dalawang malaking atis—?"
"Kung ang buong bakuran ko," bulyaw ng matanda, at
inunat ang yatyat na bisig, "magdadagdag ako ng ilang tsiko at siniguelas."
"Talaga, Apong?" tanong ni Teo. "Pero ... kung buong
bakuran ang tatabasan ko ng damo at wawalisin,
kailangan ko ang tulong ng mga kaklase ko."
"Bawal ang mga magnanakaw dito!"
"Kami na po ni Arsab ang bahala roon—hindi sila kukuha ng anuman na hindi ninyo ibibigay."
Nagsasayaw si Arsab nang paikot-ikot sa matanda
habang iwinawasiwas naman nito ang kanyang tungkod sa aso.
"O sige, Teo. Basta siguraduhin mong hindi manloloko ang mga kasama mo. Maliwanag ba?"
"Opo, Apong Cion! Maliwanag po."
"At ang ibibigay ko lang sa inyo ay ang nasabi ko na—
dalawang malalaking atis, at ilang tsiko at siniguelas.
Maliwanag ba?"
"Opo, Apong Cion! Maliwanag po."
Hinanap ni Teo sina Abe, Badong at Carding.
Naroroon silang tumitingin-tingin na naman sa mga bungang-kahoy ni Apong Cion.
"Gustong-gusto ninyo talaga ang mga prutas ni Apong Cion, ano?"
"Ay . . . si Mateo!" At nagtawanan sila.
"Bawal kunin ang hindi sa iyo!" panggagaya pa nila.
Biglang dumating si Arsab,
"GRRR. . ."
Tumahimik bigla ang tatlong salbahe at nagpigil ng paghinga.
"Ganitong gawin natin," sinimulan ni Teo na kumbinsihin sila.
"Walisin natin ang bakuran ni Apong Cion at tabasan ng mga damo.
Madali lang gawin kung apat tayong gagawa.
Babayaran niya tayo ng prutas kaya hindi na kayo kailangang magnakaw."
"Ha-ha-ha-ha-ha!" lalong malakas na tawa ng mga salbahe—kita pati mga tonsil nila.
"GRRRRR. . . ." ungol ni Arsab—kita ang mga pangil niya.
"O... sige, Teo," biglang pag-ayon nila. "T-tara na."
Mabilis ang pagtatrabaho ni Teo at ng tatlong siga
habang si Arsab ay umuungol sa tuwi-tuwina at ngumangasab ng mga nahulog na bunga.
Nagmamanman si Apong Cion na pasigaw-sigaw:
"Mas iklian pa ang pagputol sa damo!"
"Sunugin ang mga tuyong dahon nang malayo sa bahay ko!"
Nang malinis at maayos na ang bakuran ni Apong Cion,
sinulyapan nina Abe, Badong at Carding
ang sobrang-listong aso at binulungan si Teo,
"Mamitas na tayo ng prutas natin."
Ngunit narinig iyon ni Apong Cion.
"Hrrmp, Teo! Anong kasunduan natin?"
"Dalawang malalaking atis .. ." itinaas ni Teo ang dalawang daliri.
"Hrrrmp! Sige, gawin mo nang apat—tig-iisa kayo! Ano pa?"
"Ilang tsiko at siniguelas!"
"Sige, imbes na kumain kayo ng ilan ay kumain kayo
hanggang sa kung ilan ang gusto ninyo,"ang sabi niya.
"Bilis na! Baka magbago pa ang isip ko!"
"P-pero. . . ." Hindi makapaniwala si Teo sa dami ng mga
dagdag na ibinibigay ng maramot na matanda.
"Walang pero-pero. Siguraduhin n'yo lang na sa tiyan
ninyo mapupunta, at hindi kung saan-saan pa!"
Mabilis pa sa kidlat na umakyat ng puno ang tatlong matakaw sa prutas.
Kumain sila nang kumain, tumalon sa lupa at dumidighay na nagpaalam na.
"Apong Cion," paalam ni Teo hawak ang isang
napakalaking atis na parang may dala-dala siyang mamahaling hiyas.
"Puwede ko po bang kainin na lang ito sa bahay?"
"Bakit? Hindi ba bagay itong lugar ko para kumain ka rito?"
sigaw ng masungit na matanda.
"Gusto ko sanang bigyan si Tatay—"
"Bigyan?!" napasinghap ang matanda.
Hindi pa siya nagbibigay kahit kanino man magmula noong mamatay ang asawa niya.
"Sana nga po ay binigyan ko siya ng atis ko kahapon,
kaya lang halos di pa po 'yun sapat para sa pananghalian ko, paliwanag ni Teo.
Natigilan si Apong Cion at nag-isip.
"Sige na po, Apong, iuwi ko na lang ito sa bahay, ha'?" pakiusap ni Teo sa hukot na matanda.
Pagkaraan ng ilang sandali, suminghot ang matanda.
"Hrrrmp! Sa iyo 'yan. E, di kainin mo kahit saan mo gusto!"
Pero parang may kaunting lamyos na narinig si Teo sa tinig ng matanda.
"Pwede po bang maglinis kami rito uli?"
"Anong masama kung bukas na?
Kailangang mawalisan ito araw-araw. Maliwanag?" bumulong-bulong ang matanda.
"Opo, Apong Cion. Salamat po!" At paluksong lumakad papauwi si Teo.
"Hoy!" tawag ng masungit na matanda.
"Marunong din ba kayong mamitas ng bunga, hindi lang maglinis?"
"Aba, opo, Apong Cion. Pwede kaming mamitas ng mga kaibigan ko para sa inyo."
"Marunong din kayong magtinda?"
"Aba, opo. Pwede rin po naming itinda ang mga pipitasin namin para sa inyo."
"Ngayon, dapat ko ba kayong bayaran at bigyan ng kahit ilang prutas na gustuhin ninyo?"
"Ay, hindi po—"
"Aba, oo!" masayang tili ng matanda na pagkaraan ng maraming taon ay ngayon lamang uli ngumiti.
"Maliwanag?"
"Maliwanag, Apong Cion," sagot ni Teo at nagmamadaling inuwi ang atis sa kanila.
Iwinagwag ni Arsab ang kanyang mga tainga habang abala itong nagngangasab ng bunga.