NAKU, ANG PULA NG MATA KO (SORE EYES) | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Naku! Ang Pula ng Mata ko!
Kuwento ni Luis Gatmaitan, M.D.
Guhit ni Jason Moss
(MUSIC)
Mga bata. Nangyari na ba sa inyo ang tuksuhin at pandirihan ng mga kaklase ninyo?
Ganyan ang karaniwang nangyayari kapag nalaman nila na may sore eyes tayo!
Kawawa ang nagiging hitsura ng ating mata —
pulang-pula, naglu-luha, at nagmumuta.
Sa ating kuwento, ang batang si Tricia ay nagka-sore eyes.
Nagising na lang siya isang umaga na hirap dumilat ang kanang mata.
Sore eyes?
Ano ang gagawin niya?
Paano niya maiiwasang mahawaan ang iba?
Magbasa na tayo para malaman natin!
Dit-dit-dit-dit! Dit-dit-dit-dit!
Tinatamad na inabot ni Tricia ang alarm clock.
Pinindot para patigilin ang tunog na nakakairita sa tenga.
Sa isip-isip niya, alas-sais na. Oras na para gumising at maghanda para sa eskuwela.
"Tricia! Tricia! Aba'y bangon na, anak!" gising ng Nanay niya.
"Tatanghaliin ka!" sabad pa ng Lola.
Sa kusina, naririnig ni Tricia ang
kumakaskas na siyanse sa kawali.
(TUNOG NG SIYANSE SA KAWALI)
Naaamoy na rin niya ang pritong daing at sinangag.
Naririnig rin niya ang pagtitimpla ng kape ng mga matatanda.
(TUNOG NG PAGHAHALO NG KAPE SA TASA)
Sa banyo, panay na ang buhos ng tubig ni Kuya Patrick.
(LAGASLAS NG TUBIG SA BANYO)
Mas maaga itong nagigising kay Tricia.
Kahit inaantok pa, pilit idinilat ni Tricia ang mga mata.
Pero teka, bakit isang mata lang niya ang dumilat? Naiwan 'yung kabila!
Biglang napabalikwas si Tricia.
Pinilit idilat ang isa pa.
Ayaw! Magkadikit ang talukap at pilikmata niya!
Napaano?
"Nannnnaaaaayyy!"
Nagmamadaling sumugod sa kuwarto ni Tricia si Nanay Tessie.
Bakit, Tricia anong nangyari?"
Nanay, ayaw dumilat ng isang mata ko.
Tignan mo o, nakapikit!" naiiyak na sabi ni Tricia.
Tinignang mabuti ni Nanay Tessie ang namamagang mata. "
Naku, anak, matindi ang pagmumuta ng mata mo kaya nagkadikit ang mga pilikmata.
Sore eyes yata!"
Nanlambot Si Tricia sa narinig.
Paano ngayon siya papasok sa eskuwela?
Baka pauwiin lang siya ng titser niya.
Naalala niyang bigla si Boyet, ang kaklase niyang nagka-sore eyes
at kung paanong ayaw nilang lapitan ito sa takot na mahawa.
At saka, paano kung tuksuhin siya?
(IMAHINASYONG TAWANAN)
"Naku, may sore eyes si Tricia!
Bilasa ang mata!" anunsyo ng Kuya Patrick niya sa buong bahay.
"Baka tayo mahawa!"
Natapon ang iniinom na kape ng mga matatanda na kasalo ng Tatay sa mesa.
Agad pumunta kay Tricia sina Lola Ada, Lolo Bayani, at Tatay Bong.
Kanya-kanya silang bigay ng payo.
"Sore eyes ba 'ka mo?
Hilamusan ng ihi para mawala ang pamamaga," payo ni Lolo Bayani.
"Mas mainam kung papatakan ng gatas ng ina ang mata," payo naman ni Lola Ada.
"Huwag kayong makikipagtitigan kay Tricia, baka kayo mahawa," gayon naman ang sabi ni Tatay Bong.
Napasimangot si Tricia sa narinig.
Parang maiiyak.
"Kayo talaga, niloloko n'yo pa si Tricia," natatawang sagot ni Nanay Tessie.
"Lolo, baka pumanghi ang mukha ng apo n'yo kapag hinilamusan ng ihi.
Lola, huwag n'yo nang ihati sa gatas ng mga sanggol ang mata ni Tricia.
At ikaw Bong, binibiro mo pa ang bunso mo!"
"Huwag kang mag-alala, anak, at papatakan natin ng gamot ang mata mo.
Gagaling din 'yan.
Konting tiis muna," sabi ni Tatay Bong na ngayon ay seryoso na.
Namroblema si Tricia kung paano papasok sa eskuwela.
Parang nakikita na niya ang mga eksena sa eskuwela.
Bubuskahin siya ng lahat.
Lalayuan na parang hindi siya naligo.
Kaya ba niya 'yun?
Parang kailan lang, siya ang nangungunang mambuska sa kaklaseng dinapuan ng sore eyes.
Wala palang puwera sa sore eyes!
Sa harap ng salamin, nag-isip ng mga paraan si Tricia para itago ang kanyang namumulang mata.
"Ilulugay ko itong buhok ko sa gawing kaliwa,
pati ang mahaba kong bangs, para matakpan ang kaliwang mata ko.
Itong kanang mata naman ay hindi namumula.
Ay, hindi bagay!
Para akong mangkukulam!"
(HAGIKGIK NG MANGKUKULAM)
"Lagyan ko kaya ng benda ang isang mata ko.
Kunwari ay nasugatan.
Ngii! Para akong pirata!"
(TAWA NG PIRATA)
"Hmmm, ano kaya kung magsuot ako ng magandang sumbrero, 'yung malapad para matakpan ang noo ko?
Hindi puwede, tiyak na magtataka ang mga kaklase ko.
"Ano kaya ang magandang remedyo?"
"O, anak, ingatan mo ang shades mo ha." bilin ng kanyang ina.
Suyang-suya si Tricia habang pasakay ng school bus.
Halatang-halata tuloy na may sore eyes siya.
Sino ang maniniwalang nasi-silaw lang siya sa araw eh kasalukuyang umaambon?
"Randy Santiago, puwedeng patabi?" buska pa ng kanyang Kuya Patrick.
Sa eskuwela, pinayagan si Tricia na kumuha ng eksamin ng kanyang titser.
Pagkatapos ay pinayuhan siyang magpahinga na lamang sa bahay hanggang sa gumaling.
Habang naglalakad sa pasilyo, narinig niyang pinag-uusapan siya ng mga estudyante roon.
"Pustahan tayo, may sore eyes ang batang 'yan kaya naka-shades!"
"Oo naman,
ang sabi ko nga: Ang batang naka-shades asahan mo't bilasa ang mata!"
(TAWANAN NG MGA ESTUDYANTE)
Ikinuwento niya kay Nanay Tessie ang naging reaksyon ng mga kaklase niya.
Nag-silayuan ang mga ito nang malamang may sore eyes siya.
Alam mo kasi, Tricia, madaling makaha-wa ang sore eyes.
Lahat ng bagay na hahawakan mo ay puwedeng pagsimulan," sabi ni Nanay Tessie.
"Paano po 'yon, Nay?"
"Kunwari, nakusot mo ang mata mo nang hindi sinasadya.
Kumapit na sa kamay mo ang mikrobyo.
Kung naipahid mo ito sa tuwalya, titira doon ang mikrobyo.
Eh, kung aksidenteng nahawakan nila ang tuwalyang 'yun,
at pagkatapos ay nakusot nila ang kanilang mata, tiyak na hawa sila."
"Ay ganun po ba? Ibig sabihin, may nahawakan ako na madumi?"
"Oo, kaya dapat mag-ingat ka sa mga bagay na hahawakan mo.
Kapag may sore eyes, ang dapat ay lagi kang maghuhugas ng kamay.
Mahawakan mo man o hindi ang mata mo, hindi mo maikakalat sa iba ang mikrobyo."
"Eh, mahahawahan po ba ang kaliwang mata ko ng kanang mata ko?" pangungulit pa ni Tricia.
"Depende, kung ikukusot mo sa kabilang mata ang daliring pinangsalat mo sa matang may sore eyes."
"Ay, oo nga po pala!
Maghuhugas po ako ng kamay palagi para isang mata ko lang ang may sore eyes.
Ang hirap kasi ng may sore eyes, Nanay, parang may buhangin sa loob".
Maya-maya, pumasok si Kuya Patrick sa kuwarto ni Tricia.
May kailangan siya sa kanyang Nanay.
Nang makita nito ang namumulang mata ni agad itong nag-panic.
"Ay, Tricia, may sore eyes ka nga pala!
Huwag mo akong titigan!
Ayokong magka-sore eyes!" hiyaw ni Patrick at nagmamadaling tumakbo.
"Naku Kuya, mali ka.
Hindi nakahahawa ang sore eyes kapag tititigan lang.
Halika dito, ikukuwento ko sa iyo 'yung ikinuwento ni Nanay sa akin.
Basta't lagi kang maghuhugas ng kamay, hindi ka magkaka-sore eyes!" paliwanag ni Tricia.
Nang hapong 'yun, dala na ni Tatay ang gamot-pamatak sa mata.
lnalog-alog muna niya ang maliit na botelya.
Tapos ay hinatak niya pataas ang talukap ng mata ni Tricia upang mailagay na ang gamot.
"Tingin sa itaas ." lsa, dalawang patak . . .
Lumabong saglit ang paningin ni Tricia.
Tapos marahan niyang pinaglaro sa lawa ng mata ang likidong ipinatak, iniiwasang matapon ito.
Tapos ay dahan-dahan niyang ikinurap ang mga mata.
"OK ba ang pakiramdam mo, anak?"
"Opo, malamig pala 'yan sa mata.
At mahapdi nang konti.
Siguro po, ganito ang ipinapatak sa mata ng artista para maiyak sa TV," sagot ni Tricia.
"Hindi lamang minsan kundi maraming beses ka pa naming papatakan ng gamot sa mata hanggang mawala
na ang pamumula," paalala ng kanyang Tatay.
Kinabukasan, nang magising si Tricia, agad niyang pinakiramdaman ang kanyang mata.
Baka maiwang nakapikit ulit 'yung isa.
Pero sabay nang dumilat ang mga ito.
At nang tignan niya ito sa salamin, napansin niyang parang nabawasan na ang pamumula nito.
Nagulat si Tricia nang biglang pumasok ang kanyang lolo't lola sa kuwarto niya.
"Apo, may dala akong gatas ng ina.
Hiningi ko sa ating kapitbahay na si Aling Ason na kapapanganak lang.
Pamatak sa mata," bungad ni Lola Ada.
"Ako naman, apo, may nakulekta na akong ihi ni Patrick
para pamamahid sa iyong mata," sunod naman ni Lolo Bayani.
"Salamat po, Lolo, Lola, pero hindi ko na po kailangan ang mga iyan.
May ipinapatak na pong gamot si Tatay.
Gagaling na po ako.
At saka nga pala, naghugas na po ba kayo ng inyong kamay?"
Nagkatinginan sina Lolo Bayani at Lola Ada.