FILIPINO BOOK: MISTER WORLD AND HIS MAGICAL BOX w/ TAGALOG Subtitles
Mr. World and his Magical Box
Si Ginoong Mundo at ang Kanyang Mahiwagang Kahon
Kuwento ni Alelie Dew Ayroso
Iginuhit ni Frances Alcaraz
(MUSIC)
Ang mundo ay bilog at naligid na ito ng aking tatay. Sa loob ng maraming-maraming buwan ay nasa malayo siya, nilalayag ang Seven Seas*, dumaraong sa maraming-maraming pantalan.
Binansagan siyang Ginoong Mundo ng aming mga kapitbahay at kamag-anak. Ang biro nga nila ay para siyang kalahok sa isang patimpalak-kagandahan.
"Guten-Tag"! Kagagaling ko lang ng ALEH-manya!" bati niya sa lahat pag-uwi niya galing Hamburg.
"Bonjour, Mesdames et Monsieurs. Vive la France*!" sigaw niya pagkaraang marating niya ang Pransiya.
Sa ibang mga pagkakataon, bumabati siya sa mga salitang natutuhan niya mula sa kanyang mga kaibigan.
"Hola! Buenos dias!"
"Namaste*!
"Ohayu gozaimasuo!"
"Hallo*!"
Nangolekta si Tatay ng maraming-maraming kahanga-hangang bagay na iniuwi niyang nakasilid sa kanyang Mahiwagang Kahon. Naku, ang mga makulay na bagay-bagay na inilabas niya mula sa Kahon!
"Isang poncho" mula sa Peru!" At hinila ni Tatay pababa sa aking ulo ang isang matingkad na guhitang kulay dalandan-at-asul na tela, na nagpawala sa paningin sa aking mga braso.
"Renegaluhan kita ng salampay mula sa Bali," At buong pagmamahal na inilaylay niya ang isang ginintuang sedang salampay sa mga balikat ni Nanay na nagpakinang sa mga mata nito.
"Ang mga ito ay maryoneta sa tubig ng Vietnam,". Ipinagkaloob niya ang tatlong maliliit na singkit na maryonetang yari sa kahoy sa aking kapatid na babae, isang tambolista, isang babaeng may basket at isang mangingisda.
Hinila ni Tsetsen ang mga pisi at itinaas ng munting lalaki ang kanyang munting pamingwit, kasama ang isang munting kayumangging isda sa dulo.
At naku, ang iba't ibang lasa ng pagkain mula sa Mahiwagang Kahon!
"Subukan ninyo itong chokoreto* mula sa Japan!" ani Ginoong Mundo habang inihahain niya ang isang kahon ng mamula-mulang kayumangging rektanggulong tsokolate, nabubudburan ng pinulbos na tsokolate.
Mayroon din iyong arnibal na gawa sa maple* na galing Canada na nagpalinamnam at nagdulot ng mabangong amoy sa aming pancake*!
Ang stroopwafels ng Netherlands ay dumikit sa aking mga ngipin ngunit inudyukan lamang akong maghangad ng higit pa.
Ang mga mani ng makadamya mula sa Hawaii ang siyang kinalulugdan ni Nanay dahil laging sinasaid niya ang sisidlan.
Tinuruan din kami ni Tatay tungkol sa mga pera sa mundo.
"Ito ay yuan mula sa Tsina. Ito ay rand mula sa Timog Aprika. Ito ay bolivar mula sa Venezuela..."
Ipakikita niya ang malulutong na perang papel na may mapupusyaw na kulay, may mga larawan ng mga hayop, mga pinuno, o bayani ng ibang bansa. Ang aking nakababatang kapatid na babaeng si Tsetsen ay walang pakialam at inihagis lang niya ang mga pera.
Ang aking tatay ay si Ginoong Mundo, at kasama ng mga kaakit-akit at masarap kaining bagay-bagay sa kanyang Mahiwagang Kahon ay ang kanyang mga kagila-gilalas at nakakatawang kuwento tungkol sa mga taong kinaibigan niya mula sa iba't ibang bansa.
Nariyan si Ginoong Melle na taga-Olandes na may anak na kambal na lalaking malaginto ang mga buhok na kasing-edad ko;
si Ginoong Jahid na taga-India na dati ay isang snake charmer" bago siya naging manlalayag;
si Senor Miguel ng Chile na nagpipinta ng mga tanawin sa dagat (naibigan namin ni Tsetsen higit sa lahat ang mga tumatalong lumba-lumba);
at si Ginoong Chan na may alagang daga sa barko.
Iyon ang maiigsing masasayang araw ng tag-araw sa pagitan ng mga mahahabang buwang nasa malayo si Tatay.
Kadalasan, walang Ginoong Mundo para ayusin ang tulo sa bubong, tumulong sa aking kumpunihin ang aking bisikleta, na nagiging mapagpatawa, at patigilin sa pag-iyak si Tsetsen kapag nagalusan ang kanyang mga tuhod.
Walang Ginoong Mundo sa aming mga kaarawan, walang Tatay maski sa Araw ng mga Tatay.
Ngunit kuntento na kami sa mga paminsan-minsang tawag sa telepono, kung kailan binabati kami ni Tatay gamit ang mga kakatwang salita, tinatanong niya ang lagay namin, isinasalaysay niya sa amin ang mga nakatutureteng kuwento tungkol sa ibang lupain, nagiging nakakatawa at pinagagaan ang aming mga kalooban.
Iiyak at tatawa kami, kakatwang naliligayahan at nalulungkot.
Bigla, isang tag-araw, hindi nakauwi si Ginoong Mundo at ang Mahiwagang Kahon. Sa halip, dumating ang isang masamang balita. Binihag ng mga pirata ang barko nina Tatay.
Nang dumating ang mga tagapagligtas, nagalit ang mga pirata at nagsimulang pagbabarilin ang mga bihag. Tinamaan si Tatay at nahulog sa tagiliran ng barko. Hindi nahanap ng mga taga-pagligtas and kanyang katawan.
Lumipas ang mga araw at linggo, at walang balita tungkol sa kanya. Sabi ng mga awtoridad, hindi nabuhay si Tatay. Umiyak nang umiyak si Nanay, si Tsetsen, at ako.
Bawat araw ay naninimdim, kaakibat ang pakiramdam ng katapusan na nadarama bago dumating ang isang bagyo, habang walang kasiguruhang hinihintay namin si Ginoong Mundo. Wala na ba talaga si Tatay?
Pagkatapos, isang araw, isang malaking kahon na halos katulad ng Mahiwagang Kahon ni Ginoong Mundo ang dumating. Mabigat iyon. "Marahil ay nasa loob si Tatay!" bulalas ni Tsetsen.
Dali-daling binuksan ni Nanay ang kahon. Punong-puno iyon ng mga kaakit-akit at masarap kaining bagay-bagay, kagaya ng mga abubot na gustong iuwi sa amin ni Ginoong Mundo.
Walang Ginoong Mundo sa loob, ngunit nagsimulang manginig ang mga kamay ni Nanay habang binubuksan niya ang isang sulat:
Dear Mona, Mien, at Tsetsen, ikinalulungkot namin ang inyong kawalan. Si Minggo (ang aking tatay) ay naging mabuting kaibigan sa aming lahat.
Ipinapadala namin ang mga regalong ito, inaasahang magdudulot ang mga ito ng maski kaunting saya sa araw na ito, kagaya ng kung paano nagbigay sa amin si Minggo ng kasiyahan sa pamamagitan ng pagiging isang masayahin at matulunging kaibigan.
Pinirmahan ang sulat ng maraming marino na kagaya ni Tatay.
"Nanay, tingnan mo! Ang manikang hiniling ko kay Tatay!" bulalas ni Tsetsen. Naglalaman ang kahon ng pagkain, mga damit, at mga bagay-bagay na nagugustuhan at kailangan namin, na malamang ay hindi malalaman ng mga ibang marino kung hindi sinabi ni Tatay sa kanila.
"Naku," singhap ni Nanay, sinapo ng kamay ang kanyang bibig, at nagsimula siyang umiyak. Hawak-hawak niya ang isang sisidlan ng mga mani ng makadamya, isa sa ilang dosena mula sa kahon.
"Naku, Nanay, tingnan mo!" Hinila ko palabas ang isang sobreng punong-puno ng perang papel mula sa kahon.
At lalong umiyak si Nanay nang magsimulang kilalanin ni Tsetsen ang iba't ibang pera. "Ito ay rand... ito ay euro'... ito ay yuan..."
Hindi iyon ang huling kahon na dumating. Sa mga sumunod na araw, ang iba pang mga kaibigan ni Tatay ay nagpadala sa amin ng "mga mahiwagang kahon."
Ang iba ay nagpadala ng pera, ngunit ang mga sulat ang nagdulot ng liwanag. Ang mga iyon ay mga kuwentong tungkol sa kung paano ibinahagi ni Tatay ang kanyang kakarampot na pagkain, kung paano siya nagpahiram ng pera, kung paano niya pinagtakpan ang isang katrabaho na may sakit, kung paano niya aluin ang iba sa pamamagitan ng mga kuwento at biro.
Sabi nila, si Tatay ang kanilang tagapayo na nakikinig sa kanilang mga problema at pinagtipon-tipon ang maraming trabahador sa barko.
Higit sa lahat, isinulat nila kung paanong si Minggo, ang aking tatay, ay sinabi sa kanila kung gaano ako kahusay sa klase at ang aking pangarap na maging manggagamot, tungkol kay Tsetsen at ang kanyang mga kalokohan, kung paanong inalagaan kami ni Nanay habang isinisingit niya ang pagtatrabaho.
Labis na ipinagmamalaki niya ang kanyang pamilya. Kami. Kahit sa kabilang ibayo ng mga dagat, laging nasa piling niya kami.
Ang mundo ay bilog. At tinalian ito ng tatay ko, si Ginoong Mundo, ng pisi ang paligid nito at dinala sa amin.
Ngayon, iniuwi siya sa amin ng kanyang maraming kaibigan mula sa iba't ibang panig ng mundo.