FILIPINO BOOK: AHA! MAY ALLERGY KA PALA! (YOU HAVE AN ALLERGY!) w/ TAGALOG SUBTITLES (1)
Aha! May allergy ka pala!
Kuwento ni Dr. Luis Gatmaitan
Guhit ni Pergyline Acuna
Kids, napagbawalan na ba kayong laruin ang paborito n'yong stuffed toys? Hindi na ba kayo binibigyan ng ilang pagkaing gustong-gusto nyo?
Bawal na bang papasukin sa loob ng inyong bahay ang mga alagang aso at pusa? Baka may allergy kayo!
Ano nga ba ang nangyayari sa loob ng katawan ng taong may allergy?
Sumama muna tayo sa masayang picnic nina Julia at ng kanyang pamilya at mga kamag-anak sa beach.
Minsan isang taon nagpupunta ang buong angkan nina Lolo Bayani at Lola Ada sa isang lugar para sa kanilang family reunion.
Ngayong taong ito, sa isang beach resort sa Batangas nagyaya si Lola Ada.
Excited ang magpipinsang Joshua, KC, Patrick, Tricia at Julia. Noon lamang sila ulit magkakasama nang matagal-tagal.
Sa iba-ibang lugar kasi sila nakatira. Ang magkapatid na Joshua at KC ay balikbayan mula sa Amerika.
Ang magkapatid namang Patrick at Tricia ay taga Nueva Ecija.
Si Julia naman, na nag-i-isang anak, ay nakatira sa Maynila.
At tuwing nag-re-reunion sila, may kanya-kanyang dalang pagkain ang bawat pamilya.
Potluck ang tawag sa ganitong handaan apo," sabi ni Lola Ada.
Nagtataka kasi si Julia kung bakit dalawang klaseng ulam lang ang dala nila. May dalang pagkain ang bawat pamilya para ipatikim sa iba.
Pagsasaluhan natin ang lahat ng dalang pagkain. Pero higit sa pagkain, ang higit na mahalaga ay kakain tayong sama-sama.
"Yehey! Parang piknik!" "Tama. Ang Tita Leah mo, may dalang kare-kare at fried chicken. Ang Tita Tessie mo naman, naglalakihang alimango at mapipintog na sugpo ang dala.
Ang Mommy mo, macaroni salad at spaghetti ang dala.
" E di marami rin po tayong handa?" "Aba, kapag pinagsama-sama lahat yun, marami talaga!
Takot ka yatang magutom, apo ah! biro pa ni Lolo Bayani na tumutulong din sa paghahanda.
Sa beach resort habang nagkakasayahan ang lahat, abalang-abala naman sa pag-iihaw ng barbecue at porkchop si Tito Bong.
Kay Tito Bill napunta ang pagbabalat ng pinya at paghiwa ng pakwan. Si Daddy Dexter naman ang masigasig magbukas ng buko.
Maya-maya pa ay nakahanda na ang lahat ng pagkain sa isang mahabang-mahabang dulang.
"Kainan na!" Tawag ni Tita Tessi sa mga bata.
"Mga apo, ahon na kayo! Huwag paghintayin ang pagkain! Parine na!" segunda ni Lola Ada.
Ilang saglit pa at nakapila na sila sa nakahandang pagkain. "O, pwedeng bumalik ulit kapag gusto pa," paalala pa ni Tita Tessie.
Siyempre pa, nag-sama-sama sa isang sulok ang mag-kakaedad. At dahil halos kasinggulang ni Julia sina Patrick at Tricia, yung ang naging kagrupo niya.
"Wow, ang lalaki naman ng hipon! Ang sarap siguro niyan!" sabi ni Julia.
"Sugpo ang tawag diyan!" hirit naman ni KC.
Tinikman nilang lahat ang mga pagkaing inihanda sa potluck. Makalipas ang 30 minuto, may kakaibang naramdaman si Julia.
Parang nag-iinit ang pakiramdam ng kanyang mukha. Parang nag-sisimulang magpantal at mangati ang kanyang balat.
"O, Julia okey ka lang ba? Ang pula-pula mo ah!", pansin ni Joshua.
"Di ko alam eh. Nangangati na nga ako!"
Hindi pa natatapos ang sinasabi ni Julia nang banggitin ni KC na baka may allergy ito sa mga kinaing ulam.
"Sabihin natin sa mga tito at tita agad, dali!" payo ni Tricia.
Natigil ang pagkain ng lahat. Nagmamadaling dinaluhan nina Daddy Dexter at Mommy Mavee si Julia.
Mabuti na lamang at laging may dalang gamot si Tita Leah na isang nurse. Kinuha nito sa bag ang isang maliit na tableta kontra-allergy.
"O, Julia, inumin mo ito agad..." sabay abot ni Tita Leah ng isang baso ng tubig.
Makalipas ang 15 minuto, muling bumalik sa dati ang hitsura ni Julia.
Kung kanina'y kasingkulay ng kanyang balat ang mapupulang alimango, ngayo'y maayos na ulit. Parang himala! Parang walang nangyari!
"Wow, ang galing po ng gamot na ipinainom ninyo sa kanya!"
"Pangontra yun sa allergy, Joshua," paliwanang ni Tita Leah.
"E, saan po may allergy si Julia?"
Mukhang sa hipon. Mas maraming tao ang nagkaka-allergy sa hipon, pusit, at alimango," dagdag pa ni Tita Leah.
Matapos kumain ng pakwan at humigop ng buko juice muling nagbalikan sa dalampasigan ang mga bata.
Nagsimulang gumawa ng sand castles sina KC, Tricia at Julia. Nag-swimming naman ulit sina Joshua at Patrick.
"Mga bata, magdagdag kayo ng sunblock! Mahirap magka-sunburn!" dagdag pang paalala ni Tita Tessie.
Malapit nang lumubog ang araw sa beach pero nakababad pa rin sa tubig ang mag-pipinsan. Muling napag-usapan ang nangyaring allergy kay Julia.
"O, paano Julia, dapat ay huwag ka munang kakain ng hipon...bilin ni Patrick.
"Oo nga, natakot kami kanina para sa iyo..." sabi naman ni Tricia. "Mas mapula ka pa sa alimango!"
Naikuwento na rin tuloy ni Joshua ang nangyari noong minsang nagbubuklat sila ng lumang magasin ng kanyang Tita Yna.
"May project kasi kami sa iskul noon. Tapos, ginugupit namin ni Tita Yna ang ilang pictures sa magasin para sa scrapbook. Tapos, biglang bumahing ako nang bumahing! Sunud-sunod!"
"Siguro, puro alikabok na yung magasin!" sabad ni Tricia.
"Oo nga, sabi mo, luma na yung mga magasin. Naipon na ang mga alikabok dun!" paliwanag ni Julia.
"At hindi lang ako bumahing! Parang sinipon ako at nagluha-luha rin ang mata ko. Sabay nga kaming bahing nang bahing ni Tita Yna."
"Naku, allergic ka pala sa alikabok!" dagdag pa ni Julia.
"May ipinainom ding tableta si Tita Yna sa akin, tapos okey na kami. Biglang nawala yung parang sipon na tulo lang nang tulo. Natigil rin ang pagluluha ng mata ko."
Kahit nakahiga na sila sa loob ng inuupahang kuwarto sa resort, tungkol pa rin sa allergy ang pinag-uusapan nila.
Doon naikuwento ni Tricia ang nangyari sa kanya noong minsang sumakit ang kanyang ngipin at may ipinainom ang kanyang nanay Tessie.
"Pero sa halip na maalis ang sakit ng ngipin ko, biglang namantal ang buong katawan ko! Tapos, namaga ang paligid ng mga mata ko, muntik na kong di makakita! Kumapal pa ang labi ko. Magang-maga. Ampangit ko nun! Matatakot ka sa naging hitsura ko!
Napaupo ang apat na magpipinsan na nakikinig at sabay-sabay na nagsabing, "Yuck! O, anong nangyari?"
"May allergy pala ako sa ininom kong gamot para sa sumakit kong ngipin! Hindi ko 'yun alam!"
"Ha? Puwede rin palang may allergy sa gamot?" gulat na tanong ni Julia.
"Oo, puwede raw sabi ng mga duktor." "Tapos...?" Hindi na makahintay si KC.
"Tapos, dinala ako sa clinic. Ininjectionan ako nung doktor. Ang galing nga kasi nagmadyik yung pakiramdam ko.
Pagkatapos ng injection, maya-maya lang ay nawala na ang maga sa paligid ng mata ko. Nawala yung mga pantal saka pangangati. Tapos, bumalik na ulit sa dati ang hitsura ko!"
"Masakit ba yung injection?" tanong ni Julia.
"Medyo masakit pero mas masakit yata yung pagtawanan ako dahil sa hitsura ko!" matapang na sagot ni Tricia.
Nauwi sa malakas na tawanan ang usapan ng magpipinsan.
Hindi na rin nagpatalo sa usapan si Patrick. Bigla niya kasing naalala nung minsang nabulabog niya ang bahay ng mga putakti.
Namimitas daw sila ni Lolo Bayani ng mga hinog na chico nang masundot niya ang bahay ng mga putakti.
"Naku, kinagat ba kayo ng mga putakti?" nahihintakutang tanong ni KC.
"Oo. HInabol kami! Pati si Lolo Bayani ay nakagat din sa mukha! Ang bibilis lumipad nito.
"Naku, kung nakita mo ko, matatakot ka rin sa hitsura ko. Umalsa ang labi ko. Sumara mga mata ko. At biglang-bigla nahirapan akong makahinga..."
"Ang sakit sigurong makagat ng putakti..." sabad na naman ni Julia.
"Oo, pero kahit pareho kaming kinagat ni Lolo Bayani ng putakti ako lang ang namaga ang mukha."
"Walang nangyari kay Lolo?" gulat na tanong ng lahat.
"Ganun na nga! Ako lang ang nahirapang huminga at pumangit ang mukha!"
"O, anong nangyari pagkatapos?"
"Dinala ako sa Emergency Room ng ospital! Tapos ininjectionan ako! Kasi nahihirapan na akong huminga noon. Puwede raw akong mamatay sa matinding allergy, sabi ng doktor kay Lolo."
"E, bakit si Lolo, hindi nag-ka allergy sa kagat ng putakti? Pareho lang kayong kinagat, di ba?" takang tanong ni KC.
"Hhmmm...oo nga ano? Itanong natin kina tito at tital bukas."
Nakatulog na ang magpipinsan. Presko ang hangiging pumapasok sa loob ng beach house kaya mahimbing ang tulog ng lahat.
Umaga na. Ginising silang lahat ng paulit-ulit na pagbahing, pagsinga, at pagsinghot-singhot ni KC.
"Hatsinggg! Hatsinggg! Prrrrrttttt!"
"Naku, sinisipon ka ba, Ate KC?" tanong ni Tricia.
"Ewan ko ba, Tricia. Kagabi, okay naman ako bago tayo matulog. Ngayon, paggising ko, tumutulo na ang sipon ko. Prrrrrt! Prrrrt! Prrrrt!
Parang mainit ang pakiramdam ko sa mukha. Nangangati ang mata ko at parang nagluluha.... Hat-singgggg!"
"A, kaya pala mapula ang mga mata mo!"
Siya namang pagpasok ni Tito Bill sa kuwarto ng mga bata. "O, gising na pala kayong lahat. Masarap ang breakfast natin!"
"Hatsing! Hatsingggggg! Ha-ha-hatsingggggg!"
"Aba, sinisipon ba si KC? Kagabi, okey ka naman ah. Teka...."
"Hmmm...Isinara n'yo ba ang bintana n'yo kagabi?"
Iling ang naging sagot ng grupo.
"Mukhang may allergic rhinitis si KC! Kay rami kasing punong mabulaklak rito sa resort.
May mga nahuhulog na pollen mula rito. Sumasama ito sa hangin. At baka nalanghap ito ni KC habang siya'y natutulog."
"Haaa? May allergy rin si Ate KC?" "Akala ko, kami lang ang may allergy. pati pala si Ate KC!" Nagtawanan ang lahat ng mga bagong gising.
"Aha, kayo palang magpipinsan ay may allergy sa kung anu-ano. Talagang magkakamag-anak nga kayo." biro pa ni Tito Bill. Inisa-isa pa nito ang allergy ng magpipinsan.
"Si Julia may allergy sa pagkain. Si Joshua may allergy sa alikabok. Si Tricia, may allergy sa ilang gamot. Si Patrick, nagka-allergy sa kagat ng putakti. Si KC, may allergic rhinitis dala ng pollen. E, meron kayang may allergy sa ice cream?"
"Wala po!" ang malakas na sagot ng magpipinsan. "Sige, mamaya bibili ako ng ice cream. Pero ngayon, iinom muna ng gamot laban sa allergy si KC," pahayag ni Tito Bill.
"May ilan pa akong natirang tableta sa bag ko," pagpiprisinta ni Tita Leah.
Habang kumakain ng ice cream, ipinaliwanang ni Tita Leah sa buong angkan kung ano ang nangyayari sa katawan ng taong may allergy.
Kung bakit si Julia lang sa magpipinsan ang allergic sa hipon. Kung bakit namaga ang mukha ni Tricia sa ininom na gamot.
Kung bakit si Patrick lang at hindi si Lolo Bayani ang nahirapang huminga nang makagat ng putakti. Kung bakit sina Joshua at KC lang ang sensitibo sa mga alikabok at pollen mula sa puno at halaman.
"Di ba't bawat katawan ng tao ay magkakaiba? Walang eksaktong magkamukha. Agree ba tayo yu'n?" tanong ni Tita Leah.
"Agree!" hiyaw ng lahat.
"At sa loob ng ating katawan, inilagay ng Diyos ang tinatawag na Immune System."
'Im-yun Sistem?" Ano pong ginagawa ng Im-yun Sistem?" tanong agad ni Julia.
"Ito ang sistemang panlaban ng katawan sa pumapasok na sakit at mikrobyo. Kakampi natin ito. Kaya nitong alamin kung aling cells ng katawan natin ang may taglay na mikrobyo."
"E, ano po ang kinalaman ng Immune System sa allergy namin?" pangungulit ni Patrick.
"Ganito yan. Minsan, nalilito ang ating Immune System, nagkakamali rin ito. Kapag nakakain tayo ng isang uri ng pagkain, akala ng Immune System, napasok na ito ng kaaway. Sobra itong nagre-react!"
"E, hindi naman po kaaway ang hipon o gamot, di po ba?
"Oo nga, pero napagkakamalan itong kalaban ng ating Immune System. Alam nyo, may taglay kasing PROTEIN ang hipon, itlog, gamot, pollen at pati na yung lason mula sa kagat ng insekto. Dun sobrang nagre-react ang ating Immune System."
"Pro-tin? Ayaw pala ng Immune System sa pro-tin na ito," pagwawari ni Julia.
"Dahil dito, agad na mag-pupundar ang Immune System ng katawan ng mga sundalong ipanlalaban sa protein ng hipon o gamot o pollen. Bubuksan ng mga sundalo ang mga cells upang maglabas ng kemikal na HISTAMINE bilang panlaban...." paliwanag pa ni Tital Leah.