DAVID AND HIS NEW CLASSMATE | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES (1)
Si David at ang bago niyang Kaklase
Kuwento ni Jojie Wong
Iginuhit ni Kora Dandan-Albano
(MUSIC)
"David!
Hoy, David!!!"
Lumingon si David at nakita ang kaibigang si Jun-Jun na kumakaway sa kanya.
Kumaway siya pabalik at sumingit-singit
sa mga silya at mga kaklase upangmakaupo sa tabi ni Jun-Jun.
Unang araw ng iskul ngayon, at masaya si David
na makita muli ang mga kaibigan at kaklase pagkaraan ng mahabang summer.
Sumakit ang tiyan nila sa kakatawa habang ang isang kaklase ay tumatagilid at kinakampay-kampay ang mga braso,
minumuwestra ang pagkahulog ng tatay niya
mula sa bangka noong bakasyon nila sa Palawan.
Tumingin sa paligid si David para hanapin ang iba pang mga kaibigan,
ngunit marami roon sa kuwarto ang hindi niya kilala.
Bumakas sa mukha niya ang pag-aalala.
Naku, mga bagong kaklase.
Sana walang mga bully sa kanila.
Pumasok na ang titser at agad nagsiupon ang mga bata sa kahit saang bakanteng upuan.
Nakipaggitgitan si David upang makaupo sa tabi ni Jun-Jun.
Nang nakaupo na ang lahat, nag-umpisa na ang titser na sabihin kung saan uupo ang bawat bata.
Lalong nag-alala si David habang isa-isang tinatawag ng titser
ang kani-kanilang pangalan at tinuturo kung saan sila dapat uupo.
Hindi pa natatawag ang mga pangalan nila ni Jun-Jun,
kaya tahimik na nagdasal si David na sana magkatabi pa rin sila . . .
"David Romero!" tawag ng titser.
Marahang itinaas ni David ang kanyang kamay.
Tumango ang titser at itinuro ang bakanteng upuan sa tabi ng isang batang lalaking di kilala ni David.
"Dito ka uupo sa tabi ni Rey de los Santos."
Mahinang umungol pareho si David at Jun-Jun.
Tumayo si David at kinalad-kad ang knapsack niya papunta sa bagong upuan.
Pabulagsak siyang naupo sa tabi ni Rey sabay buntong-hininga. Sinulyapang patalilis ang katabi.
Nakayuko si Rey, nakatitig sa mga nakasulat sa desk, payat at maitim ang mga kamay.
Muling umungol si David.
Lumingon siya at nakitang si Jun-Jun ay bumuntong-hininga rin at papunta sa sariling upuan.
Araw-araw, walang pagkakaiba si Rey. Tila dagang walang imik.
Dadalawang beses lamang siyang nag-usap ni David sa loob ng unang buwan ng iskul.
Una ay noong nahulog niya ang kanyang bolpen at gumulong ito papunta sa tabi ni David;
pangalawa, noong nagka-partner sila sa isang gawain sa klase.
At araw-araw, tuwing recess, mag-isang nakaupo si Rey sa kantin, at may baong pandesal at isang boteng tubig.
sa kantin, at may baong pandesal at isang boteng tubig.
Nilalampas-lampasan lamang siya ng ibang mga kaklaseng papunta sa playground;
kung minsan nga, nabubunggo pa nila ito.
Ngunit hindi man lamang nila iniimbitang sumama ito sa kanilang mga laro.
Minsan, nang makita nilang kulang pala sila ng manlalaro,
napatingin sila kay Rey na nasa kantin, tahimik na kinakain ang baon niya.
Pagkatapos ay nagtinginan sila sa isa't isa. .
Nagsalita ang isa sa mga mas malaki sa kanila, "Huwag na 'yon!
Sobrang payatot! Parang di masarap kalaro!"
"Isa pa, baka pawisan siya nang husto at mangamoy!" biro naman ng isa.
At nagtawanan silang lahat.
Ngumiti lamang si David.
Kahit pa nakakatawa, alam niyang maling pagtawanan si Rey.
Napagsabihan na siya minsan ng Mommy niya na huwag pagtatawanan ang iba dahil lamang naiiba ang itsura o kilos nila.
"Masakit 'yon, David," sabi nito sa kanya.
"Ikaw ba, gusto mo ring pintasan ka ng iba?"
Umiling si David noon, natatandaan niya.
Ngunit tumahimik lamang si David habang nakikipaglaro sa mga kaibigan niya.
Kontento na siyang hindi napapag-tawanan na tulad ni Rey.
Isang araw, nahuli ang Mommy ni David sa pagsundo sa kanya sa iskul.
Nagsimula nang mag-alala si David. At nagugutom na siya.
Alas-sais na ng gabi at nagdidilim na ang langit.
Si Rey na lamang ang naroroon na hindi pa sinusundo.
Nagdo-drowing ito sa kanyang maliit na notebook at humuhuni-huni ng isang awit.
Parang hindi man lang siya nag-aalala na gumagabi na.
Naiinip na si David.
Lumapit siya kay Rey at nagtanong,
"Anong dino-drawing mo?"
"Eroplano," sagot ni Rey, na hindi man lamang tumingin sa kanya.
"Ah," sagot na lamang ni David.
Wala na siyang ibang masabi pa.
Biglang gumurukgok nang napakalakas ang tiyan ni David!
Nagulat at biglang tumingala si Rey sa kanya, at nagtawanan silang dalawa.
"Uhm . . . May natitira pa akong isang pandesal, gusto mo?"
alok ni Rey na medyo nahihiya.
Ngumiti ito. Hina-lungkat niya ang kanyang knapsack at iniabot kay David ang isang maliit at lukot-lukot na supot na papel.
Parang hindi no masarap kainin ang pandesal sa loob ng supot, dahil napipi na ito ng mga libro ni Rey sa knapsack.
Pero gutom na gutom na talaga si David, kaya kinuha niya ang pandesal at inubos sa loob ng tatlumpung segundo!
"Rey, salamat ha," sabi ni David pagkatapos punasan ng panyo ang mga labi.
"Nahuli rin ba ang nanay mo sa pagsundo sa 'yo?"
Namula si Rey at nautal, "Ah, ano. . .."
"David!"
Pareho silang napalingon at nakita ang Mommy ni David na humahangos papunta sa kanila.
"Sorry, natagalan ako.
May aksidente kasing nangyari sa daan.
Gutom ka na ba?"
"Hi, Mommy."
Humalik si David sa Mommy niya.
"Okey lang po. Binigyan ako ni Rey ng pandesal, kaya di na ako masyadong gutom."
Bumaling ang Mommy ni David kay Rey.
"Ang bait mo naman, Rey.
Hinihintay mo rin ba ang nanay mo?"
"Ah, uh ...opo," sagot ni Rey na namumula na naman.
"Darating na rin po 'yon."
"Ah okey. Kung gusto mo, pwede ka naming samahang maghintay sa kanya rito," sabi ng Mommy ni David, at naupo siya sa kanilang tabi.
"Naku, huwag na po!" bulalas ni Rey. "Salamat po.
Okey lang po ako. Sanay na po akong maghintay nang mag-isa."
"O sige, kung sigurado ka," sagot ng Mommy ni David.
"David, magpaalam ka na muna kay Rey, at magpasalamat ka sa kanya para sa pandesal."
"Babay, Rey! Salamat sa pandesal. Kita tayo bukas!"
Kumaway si David habang papunta sa kanilang kotse. Ngumiti si Rey.
Sinundan lamang niya ng tingin ang kotse nina David habang papalayo ito.
Kinabukasan sa iskul, kahit tahimik pa rin si Rey tulad ng dati, mas madalas na siyang ngumingiti kay David.
Pagdating ng recess, inabutan siya ni David ng tsokolate habang papunta sa kantin.
"Bigay 'to ng Tita ko, galing sa U.S.
Sana magustuhan mo." Ngumiti si David.
"Wow . . ." Tinitigan ni Rey ang makintab na kulay-gintong balat ng tsokolate.
"Kahit kelan, hindi pa ako nabibigyan ng ganito. Grabe, salamat!"
"Walang anuman, "sagot ni David. "Oo nga pala, naisip ko . . ."
"David!"
Lumapit si Jun-Jun sa kanila mula sa likod, nakasimangot.
"Bakit mo kasama 'yan?
Di ba maglalaro tayo ng bola ngayon kasama nina Andy?
Halika na!" Kay David lamang siya nakatingin, at binabalewala si Rey.
"Ay, oo nga, oo nga! Sige, tara!"
Mabilis na kinawayan ni David si Rey at tumakbo kasama ni Jun-Jun.
Naiwan si Rey doon, hawak-hawak ang tsokolate.
Nagkibit na lamang ito ng balikat at mag-isang tumuloy sa kantin.
Lalong naging tahimik at mailap si Rey pagkatapos ng araw na 'yon.
Isang Sabado, sumama si David sa Mommy niya upang
bisitahin ang kanilang katulong na si Aling Miding na may sakit.
Unang beses pa lamang ni David na bisitahin si Aling Miding.
Ipinarada ng Mommy niya ang kotse sa isang kalye at naglakad sila sa isang madilim na eskinita.
Maraming beses na tumagilid sila sa tabi ng daan
para makaraan ang mga taong nakakasalubong nila.
Kahit mga aso ay nakikiraan din!
Nakakapasok lamang ang sinag ng araw sa mga siwang sa pagitan ng mga bahay,
na sobrang liliit at dikit-dikit.
Sa wakas, tumigil ang Mommy niya sa harap ng isang makitid na pintuan
kung saan may nakasabit nang medyo baluktot na "God Bless Our House."
Kumatok siya at pumasok. "Aling Miding!
Magandang umaga! Si Cita ito! Binibisita ka namin!"
Sumilip si David sa pinto pagpasok ng kanyang Mommy.
Nakita niyang nakaratay si Aling Miding sa isang mababang kama na yari sa kahoy.
Sa tabi ng kanyang unan ay isang bote na plastik na may kalahating laman na tubig.
May sinag ng araw na pumapasok sa isang maliit na bintana,
at nababasa ni David ang isang bulaklaking poster sa dingding na nagsasabi: "Love One Another."
"Ma'am Cita!" sagot ni Aling Miding na umuubo habang pinipilit bumangon.
"Sori po, Ma'am Cita, di ko kayo masilbihan ng meryenda, di ako makabangon."
Kahit maliit at payat si Aling Miding, mukha pa rin siyang malaki sa loob ng maliit niyang bahay.
"Hay naku, huwag ka nang mag-abala, Aling Miding." Lumapit ang Mommy ni David sa kama.
"Gusto ka lamang naming kumustahin.
Isinama ko si David para mabisita ka rin niya."
"Magandang umaga, Aling Miding." Umupo si David sa tabi ni Aling Miding,
tulad ng nakagawian na niyang gawin sa bahay nila tuwing nagluluto ng pagkain si Aling Miding.
"Ay naku, huwag kang lumapit, David!" Umuubo si Aling Miding sabay sinasaway si David.
"Baka ka mahawa sa 'kin!"
"Mahiga ka nga muna ulit, Aling Miding," sabi ng Mommy ni David.
"Baka lumala pa 'yan.
Heto, may dala kaming mga prutas at gamot para sa 'yo."
Inilagay ng Mommy ni David ang plastik na supot ng
mga prutas at mga gamot sa maliit na mesa sa tabi ng kama.
"Ay, papakiusapan ko na lang ang pamangkin kong bumili ng sopdrink.
Nakatira sila ng kapatid kong babae diyan lang sa kabila."
Naupo si Aling Miding at tumawag sa kanyang mahinang tinig, "Rey! Rey! May mga bisita ako!
Pwede bang pakibili mo sila ng sopdrink?"
Napatingin si David sa may pintuan—at nakita si Rey, ang kaklaseng katabi niya sa iskul!
Pareho silang napanganga at di maka-paniwala na nakikita roon ang isa't isa!
"Rey! Di ko alam na dito ka pala nakatira!" nakangiting bati ni David.
"Anak, hindi ba siya 'yong batang nagbigay sa iyo ng pandesal noon?"
Ngumiti ang Mommy ni David sa kay Rey.
"Natutuwa akong nagkita tayo uli, Rey."
"Uhm, magandang umaga po, Ma'am,"
mahinang sagot ni Rey. Yumuko na siya habang namumula na naman ang kanyang mukha.
"A . . . Tiyang, gusto ninyong ibili ko kayo ng sopdrinks?"
"Ay, oo nga pala!" biglang bulalas ni Aling Miding.
"Malamang magkaklase kayo!
Nakalimutan ko palang sabihin sa inyo, Ma'am Cita,
na nabigyan ng iskolarship si Rey sa iskul ni David kaya doon din siya nag-aaral.
Naku, ba't ko nga ba nakalimutang sabihin 'yon!"
"Wow, ang galing naman!" sagot ng Mommy ni David.
"At alam mo, magkatabi pa sila sa klase.
Napakabait na bata itong si Rey.
Binigyan niya si David ng pandesal minsan nang nagutom ito habang hinihintay ako."
Hindi umimik si Rey, nakatitig lamang sa sahig.
"Huwag ka na ngang mahiya, Rey." Inabutan ni Aling Miding ng ilang barya ito.
"Heto, bumili ka ng sopdrink diyan sa kanto.
David, gusto mo bang samahan si Rey?"
"Okey." Ngumiti si David at sinundan si Rey palabas.
Hindi nagsasalita si Rey habang nagla-lakad sila.
Medyo naiilang na si David kaya
nang papalapit na sila sa tindahan, nagtanong siya,
"May lugar ba kayong mapaglalaruan dito?"
May bahid ng inis ang boses ni Rey nang sumagot ito,
"Wala kaming play-ground dito tulad nang sa bahay ninyo o sa iskul.
Kahit saan lang kami nagla-laro rito.
Wala kaming pera para sa playground!"
"Ah . . . urm . . . okey . . . sorry."
Nang makabayad na si Rey at nag-hihintay para sa sukli, tumingin-tingin si David sa paligid.
Andaming bata roon.
May naglalaro ng kotse-kotsehang gawa mula sa mga lumang karton.
May mga nagtitinda ng gulay sa bangketa.
Ang iba naman ay nag-uumpukan sa labas sa bintana ng isang bahay, nakikipanood ng TV.
Ang mga suot nilang damit, kung hindi sobrang
maluwang, ay gula-gulanit o butas-butas—pero tila bale-wala lamang ito sa kanila.
Kahit saan, nakakarinig si David ng tawanan at hagikhikan.
Masaya sila kahit wala silang totoong playground.
Pagkabalik nila sa bahay, nakita nilang tahimik na nag-uusap ang Mommy ni David at si Aling Miding.
"Anak, laro muna kayo ni Rey sa labas, ha?" sabi ng Mommy ni David.